Mga Serbisyo para sa Pangangalagang Nagpapatibay ng Kasarian para sa mga Kabataan: Mga Dapat Malaman ng mga Miyembro ng Medi-Cal at CHIP
Español│العربية | Հայերեն | ភាសាខ្មែរ | 簡體中文 | 繁體中文 | English | فارسی | हिन्दी | Hmoob | 日本語 | 한국어 | ພາສາລາວ | luMien | ਪੰਜਾਬੀ | Русский | Tagalog | ภาษาไทย | Tiếng Việt

Kaligiran
Noong Oktubre 13, 2026, itinigil ng pederal na pamahalaan ang pagbabayad para sa ilang uri ng pangangalagang nagpapatibay ng kasarian para sa mga kabataan. Naaapektuhan nito ang mga miyembro ng Medi-Cal na wala pang 18 taong gulang at mga miyembro ng Children’s Health Insurance Program (CHIP) na wala pang 19 taong gulang na tumatanggap ng ilang partikular na serbisyo ng pangangalagang nagpapatibay ng kasarian para sa gender dysphoria (mga apektadong kabataan). Pinangangasiwaan ng California Department of Health Care Services (DHCS) ang Medi-Cal at CHIP. Hindi nito naaapektuhan ang mga indibidwal na tumatanggap ng mga serbisyo sa labas ng mga programa ng Medi-Cal o CHIP.
Ano Ang Magbabago?
Simula Oktubre 13, 2026, hindi na maaaring gamitin ang pondo ng pederal na Medicaid o CHIP upang bayaran ang ilang serbisyo para sa mga miyembro ng Medi-Cal na wala pang 18 taong gulang o mga miyembro ng CHIP na wala pang 19 taong gulang. Kabilang dito ang mga sumusunod na serbisyo ng pangangalagang nagpapatibay ng kasarian:
- Mga operasyon
- Mga gamot, kabilang ang mga gamot na pumipigil sa pagsisimula ng pagdadalaga o pagbibinata (puberty blockers) at mga paggamot gamit ang mga hormone
- Ang mga kabataang umiinom na ng mga hormone para sa pangangalagang nagpapatibay ng kasarian noong Oktubre 13, 2026 ay maaari pa ring magpatuloy sa pagtanggap ng mga ito sa pamamagitan ng Medi-Cal hanggang Abril 12, 2027.
Ano Ang Hindi Magbabago?
Maaari pa ring makatanggap ang mga apektadong kabataan ng maraming uri ng pangangalaga para sa gender dysphoria sa pamamagitan ng Medi-Cal, tulad ng mga sumusunod:
- Mga konsultasyon sa doktor
- Mga pagsusuri sa laboratoryo
- Terapiya sa pagsasalita (speech therapy)
- Pangangalaga sa kalusugang pangkaisipan at pag-uugali
- Pangangalaga para sa mga problemang dulot ng mga naunang operasyon
Patuloy na sasagutin ng Medi-Cal ang gastos para sa mga serbisyong ito kapag medikal na kinakailangan, kabilang ang mga serbisyong may kaugnayan sa gender dysphoria.
Paano Makakakuha ang mga Kabataang Miyembro ng Medi-Cal ng Pangangalagang Hindi na Binabayaran ng Pederal na Pamahalaan?
Patuloy na babayaran ng California ang mga serbisyong ito sa pamamagitan ng isang bagong programa sa ilalim ng Department of Health Care Access and Information (HCAI).
Bumubuo ang California ng isang programang popondohan ng pamahalaan ng estado sa pamamagitan ng HCAI upang patuloy na matanggap ng mga apektadong kabataang miyembro ng Medi-Cal ang pangangalagang kailangan nila. Hindi kailangang magbayad ang mga apektadong kabataang miyembro ng Medi-Cal para sa mga serbisyong matatanggap nila sa ilalim ng bagong programang ito.
Ano ang Kailangang Malaman ng mga Kabataan?
Nakatuon ang California sa pagtulong sa mga apektadong kabataan upang patuloy nilang matanggap ang pangangalagang kailangan nila. Ang HCAI—sa pakikipagtulungan sa DHCS—ay nagsisikap na magbigay ng mahahalagang impormasyon sa mga tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan (halimbawa, mga doktor at klinika) at sa mga apektadong kabataan.
Kabilang sa mga mahahalagang bagay na dapat malaman ang mga sumusunod:
- Dapat malaman ng mga doktor at klinika ang tungkol sa mga pagbabagong ito.
- Dapat makipag-usap ang mga apektadong kabataan sa kanilang doktor o klinika tungkol sa mga opsyon sa pangangalaga.
- Ang mga apektadong kabataang mayroon nang nakatakdang pangangalaga ay dapat makipag-ugnayan sa kanilang doktor o klinika sa lalong madaling panahon. Isaalang-alang ang pagtatanong tungkol sa ilang mahahalagang bagay:
- Magkakaroon ba ng anumang pagbabago sa paraan, lugar, o oras ng pagbibigay ng aking pangangalaga?
- Makikilahok ba kayo sa bagong programa ng HCAI?
- Mayroon ba akong kailangang gawin?
Kanino Maaaring Makipag-ugnayan ang mga Apektadong Kabataan para sa mga Katanungan?
- Para sa mga pangkalahatang katanungan tungkol sa Medi-Cal o CHIP, kabilang ang mga katanungan tungkol sa pagiging kwalipikado o saklaw ng mga benepisyo, maaaring makipag-ugnayan ang mga apektadong kabataan sa Member Helpline sa pamamagitan ng pagtawag sa (800) 541-5555.
- Para sa mga partikular na katanungan tungkol sa mga serbisyong medikal o parmasyutiko, o kung sinabihan silang hindi na nag-aalok ng mga serbisyong ito ang kanilang doktor o klinika, maaaring makipag-ugnayan ang mga apektadong kabataan sa naaangkop na tanggapan o organisasyon, ayon sa mga sumusunod:
| Mga operasyon, mga gamot na pumipigil sa pagdadalaga o pagbibinata (puberty blockers), at mga hormone therapy* | Iba pang serbisyong medikal (hal., mga pagbisita sa klinika, mga pagsusuri sa laboratoryo, terapiya sa pagsasalita at psychotherapy) |
| Anuman ang uri ng pagpapatala sa Medi-Cal managed care o fee-for-service, direktang makipag-ugnayan sa HCAI sa pamamagitan ng email sa genderaffirmingcare@hcai.ca.gov. Paalala: Huwag magpadala ng anumang kumpidensyal na impormasyong medikal sa HCAI sa pamamagitan ng email. | Kung naka-enroll sa Medi-Cal managed care, makipag-ugnayan sa kanilang Medi-Cal managed care plan (MCP) para humingi ng tulong. Kung naka-enroll sa Medi-Cal fee-for-service, makipag-ugnayan sa Member Helpline ng DHCS sa pamamagitan ng pagtawag sa (800) 541-5555. |
*Ang HCAI ay makatutulong lamang tungkol sa mga serbisyo ng pangangalagang nagpapatibay ng kasarian na naapektuhan ng mga pagbabago sa pederal na patakaran.